Hulyo ng taong ito, nasa Alemanya ako. Unang tanghalian ko sa banyagang bansa at ang tanging pinag-uusapan, FOOTBALL. Kasadsaran noon ng FIFA Worldcup Championship sa Brazil. Hindi ako makarelate. Halos para akong pader sa harap na nakikinig lang sa usapan nila, minsan sinasabayan ko din ng ungol, “aah” “really?” “wow”. Napakafruitful ng aking mga inputs ano? Haha!
Inasahan ko na iyon. Wala akong alam sa Football, sa totoo lang, ang kakaunting interest na meron ako para sa laro ay dahil lang sa Azkals. Nagulat ang mga kasama kong banyaga, ang Aleman, tumingin sa akin, tinignan ako sa mata at gulat na gulat akong tinanong, “Filipinos are not into Football? Really?? What do Filipinos play?”
Ako na ngayon ang center of attention, ang nag-iisang tao sa table na di mahilig sa football. Ngumiti ako, sabay sabi, “Well, the Philippines loves Basketball!” Halos sabay sabay silang nagreact with eyes wide open, “REALLY?” May isang nangahas, tinanong ako, “I hope you don’t mind, but aren’t Filipinos short for Basketball?” Ulit, nakangiti akong sumagot, “Yes. But you know, we are going to the World’s this year.”
Pagkatapos ng dalawang buwan, tumuntong nga ang Pilipinas sa entablado ng World Basketball. Walang nakakakilala, walang nagmamatyag. Madaming nagduda. Napag-usapan lang daw ng kaunti dahil kay Andray Blatche, ang kanong ginawang Pilipino para lang makapaglaro para sa atin sa FIBA. Sabi nila ang basketball daw ay laro ng mga matatangkad, bakit ipinagpipilitan ng Pilipinas magbasketball? Mapapahiya lang daw tayo.
Bakit nga ba? Bakit ba nahihilig tayo sa mga bagay na sabi ng marami ay di naman para sa atin? Bakit tayo umaasa sa impossible? Basketball, as they say, is a tall man’s game. E di naman matangkad ang mga Pilipino.
Ang sagot, simple lang. Kasi ang Pilipino, PALABAN, may PANININDIGAN, may PUSO.
Marahil ginawa tayo ng Diyos para ipakita sa mundo na walang impossible, na kahit pa anong dagok ang pagdaanan, may magandang idudulot ang pagsisikap at paniniwala. Dahil ang Pilipino, kahit ilang beses madapa, tatayo at muling lalaban. Ang Pilipino, kahit kulang ang armas, kailanman hindi umaatras. Ang Pilipino, kahit gumapang sa hirap, ipaglalaban ang pangarap.
Aminado naman tayo, madalas underdog ang mga Pilipino. Lagi tayo “come from the behind.” Mapa-sports man or kahit ano pang larangan. But in weakness, we find our strength. Tulad nalang ng ipinakita ng Gilas na kahit hindi sila kasing tangkad at laki ng mga banyagang kalaban, kaya nilang lumaban and manalo. Mantakin niyo, muntik tayong makasilat ng panalo against Argentina, Croatia and Puerto Rico, isama mo pa ung Greece kung gusto niyo. Lahat close games, hindi na masama.
Humingit kumulang dalawang buwan na pag-eensayo, first time mag-laro as a team with Andray Blatche, first time din sa Worlds kahit ng mga coaches. Eyebrows really had to raise. International competition un eh, di summer league at lalong hindi exhibition game. Pero malakas ang loob ng Pilipino, lumaban at tumayo para sa Pilipinas. Naniwala silang bagamat mahirap, kakayanin para sa bayan. Pilipinong Pilipino, ika nga.
Sino nga naman ang mag-aakala na ang isang 5’7 inches at 36 year old na Kapitan ng ating koponan ay maihahantulad ng mga international sportscasters and analysts sa NBA Star ni JJ Barea? Ang daming nagdududa kung makakatres pa ba si Mighty Mouse sa harap ng mga 7footers na kalaban, kung importante pa ba ang leadership niya on the floor. Maliit na nga daw, matanda pa. Pero si Jimmy Alapag ay isang Pilipino, sinubok ng panahon, pinatibay ng pagkakataon. That game against Senegal, isa sa mga pinakamatangkad na team sa tournament, ay maaring ang kanyang huling international basketball game. Ngunit hanggang sa huling segundo, hindi siya nagpakita ng kahinaan ng loob. Hanggang sa dulo, lumaban at nanindigan, NANALO PARA SA BAYAN.
Naalala niyo nung nagposter dunk si Gabe Norwood, ang 6’6 forward ng Gilas against the 6’8 power forward ng Indiana Pacers na si Scola? Inakala ba nilang makakahirit pa siya ng isang monster slum in that same game? Sabi nila, magaling naman ung Norwood, mejo parang patpatin lang, di pang-international. Pero ni minsan, hindi nakitaan ng kahinaan ng loob ung Norwood sa isang buong linggong paglalaro. Ang galing dumipensa, nag top 1 play of the day pa ung dunk niya.
Iyong Pingris, purong Ilokano tulad ko. Pinoy Sakuragi kung tawagin ng marami. Magaling, lumalaban, all heart kahit may iniindang sakit. Pero may mga nagtanong, teka, ano height ni Ping? 6’5 lang un ah. Naku lagot na, makakarebound pa kaya? PERO PINOY SI PING, ILOKANO PA, descendant ni Diego Silang! (Love your own. Haha!) He didn’t falter. Nakipag-agawan sa rebounds laban sa 7 footer na kalaban, parang walang injury. Monster pa rin.
Madami din ang nagsabi tagilid din sina Tenorio, Castro at Lee. Oo may mga shooting at mabibilis, e halos hanggang baywang sila ng mga kalaban. Ngunit di sila nagpadaig, pinahabol at pinatakbo ang kalaban. Pinagod.
Si Jeff Chan, nagpakitang gilas sa umpisa palang against Croatia at kahit di na ulit nahanap ang shooting form, matapang paring naglaro para sa bayan. Matagal din akong naghintay ng dunk ni Japeth, sa wakas niyanig din niya ang ring nung laban against Senegal. Gaya ng “Kwentong Gilas” feature niya sa TV5, “Never Say Die.” Si El Granda, hindi pumutok pero hindi rin bumitaw sa laban. Siya nga ang “Dagul ng Dinalupihan.”
Hindi rin matatawaran ang tibay ng loob ni Ranidel de Ocampo, nakipaglaban sa rebounds, nagtres. Go hard ika nga lalo na at literal na hard ang mga kalaban. Kita naman nung huling laban against Senegal, nastapler ang ulo ni RDO samantalang ung isa, parang wala lang.
Bata pa, PBA MVP nga pero di pa kayang mag-international, yan ang sabi ng ilan kay Junmar Fajardo. Pero ang bata, ang pinakasteady sa huli. Ang future ng Philippine Basketball, ang Kraken. Isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit nakasungkit tayo ng panalo sa World Cup. Kitang kita kay Junmar ang pagkaPilipino, hindi man madalas nagagamit nung unang mga laro, naghintay siya ng kanyang pagkakataon. Hindi sumuko, hindi pinanghinaan ng loob.
Free agent ngayon si Andray Blatche, may attitude problem pa daw kaya lalong wala pang kontrata sa NBA. Pero si Dray, beast mode the entire tournament. Nagpopoint guard pa nga kita niyo? Madaming nainis, oo nga nakakascore, okay din sa rebounds pero ang daming turn overs, masyadong bwakaw! First game palang, nainjure na pero hindi nagpa-sub. Halla sige, nanangalabaw parin. Amazing. Di ko alam kung anong attitude problem ang sinasabi nila, pero kung problema ung all heart ni Andray Blatche sa paglalaro, e di sige, okay lang.
Talong talo nga talaga tayo kung pati coach pag-uusapan ang height. Nung laro against Argentina, pati narin Puerto Rico, madami sa atin ang sinisi si Coach Chot. Pero kahanga hanga ang pag-ako niya ng pagkukulang. Huwag daw ang players ang sisihin, siya nalang kasi di siya makabuo ng magandang end game play. Pambihira, napakaselfless, very Filipino. Pero si Coach Chot, kasama pa si Norman Black, Jong Uichico at iba pang members ng coaching staff, naging cheering team narin. All heart. Full support.
Totoo nga, ang mga Pilipino, hindi genetically built to play basketball. Coming into the World Cup, we are one of, if not the, least experienced team there is. The odds were never in our favor.
Pero ang mga Gilas, mga Pilipino. PALABAN, may PANININDIGAN, may PUSO.
Sabi nga sa isang tweet, kung tayo sobrang nasasaktan na sa mga sunod sunod na close calls, ang Gilas pa kaya. Mahirap talaga maheartbroken ng apat na magkakasunod na pagkakataon. Lalo na kung buong puso kang nagmahal, kung buong puso mong ipinaglaban. Tayo nga nanood lang, nagcheer, sumigaw, sumuporta pero napakasakit na. Ilang beses ko din kinanta ang “napakasakit, Kuya Eddie” etong Linggong ito. Nakakatawa pero totoo. Sa sobrang involved at puyat ko, nagkasakit na nga ako. Pero tuloy ang suporta kahit noong eliminated na, kasi ang Pusong Pinoy, martir. Kahit nasasaktan at pinapaasa na, umiibig pa rin.
Minahal ng buong sambayanang Pilipino ang basketball. Bawat kanto may ring, minsan nga makeshift lang na nalilipat pag may pa-liga ang barangay. Kahit walang sapatos, kahit walang saplot, kahit tirik ang araw. Minsan nga, kahit walang makain, at kahit lasing. Makalaro lang ng basketball, solve na. Noong Yolanda nga, giba na ang mga bahay, wala ng masuot o makain, pero always present ang isang poste na may bilog na bakal, basta makapaglaro ng basketball, Masaya na.
We failed so many times in the past to qualify for the World Cup, lagi nalang may chance, pero hanggang dun nalang. But it is the Philippines’ love for basketball which brought us to the Worlds and secured us our first even win in the FIBA World Cup in 40 years.
Hindi lang talento o skill, pero ang laki ng tulong ng pusong Pilipino para makarating tayo dito. Ang pusong nagmahal, lumaban at nanindigan. Ang pusong kahit nasaktan ay patuloy na lumaban. Ang pusong di nawalan ng pag-asa.
Ang basketball at Pilipino, marahil ay hindi nga bagay at hindi meant to be. Pero ang Gilas pinatunayan, na ang Pilipino kailanman hindi mo malilimitahan. Maniniwala sa sarili, lalaban para sa pangarap, para sa bayan.
Subukan mong sabihing “hindi mo kaya yan” sa isang Pilipino. Subukan mo. Mapapahiya ka lang.
*PHOTOS NOT MINE.
